http://gifgifs.com

Sunday, January 19, 2025

Diploma o Diskarte: Ano ang Pipiliin Mo? ⑤


    Kung ako ang tatanungin sa tanong na "Diploma o Diskarte," ang sagot ko ay pareho. Mas mainam kung may diploma ka na, may diskarte ka pa. Mahalaga ang dalawang ito upang makamit ang tagumpay sa buhay. Marami tayong pangarap—mga bagay na gustong bilhin, gawain na nais subukan, at mga tagumpay na gustong abutin. Isa sa mga pangarap ko ay ang makatulong sa aking mga magulang sa paglipas ng panahon. Sila ang nagsusumikap upang ako'y makapag-aral, at ibinibigay nila ang lahat upang masigurong makapagtapos ako ng aking pag-aaral.  

    Sinabi ko sa aking sarili na balang araw ay susuklian ko ang lahat ng sakripisyo nila para sa akin. Kaya't nagsusumikap akong mag-aral nang mabuti upang makamit ang diploma na magiging susi sa mas magandang kinabukasan. Habang nag-aaral, natutunan kong mahalaga rin ang diskarte sa buhay. Naghanap ako ng oportunidad, tulad ng pag-aapply sa scholarship, at sa tulong ng Panginoon, nakapasok ako. Dito ko napagtanto na posible palang pagsabayin ang pagsusumikap sa pag-aaral at pagiging madiskarte, basta’t determinado kang umasenso.  


    Para sa akin, mas mahalaga ang diploma dahil ito ang nagbibigay ng matibay na pundasyon upang makahanap ng maayos na trabaho sa hinaharap. Ngunit hindi rin dapat isantabi ang kahalagahan ng diskarte dahil ito ang magbibigay ng kalamangan upang malampasan ang iba’t ibang hamon sa buhay. Kapag pinagsama ang diploma at diskarte, sigurado akong mas malaki ang tsansa mong marating ang iyong mga pangarap.
 

No comments:

Post a Comment

SURING AKLAT 📄